Paano nga ba Carmina?

"I'm really, really sorry". Yun lang ang aking nasambit sa celphone habang nagmamaneho. Tumawag ang aking kaibigan upang ibalita na wala na sila ng kanyang asawa ng sampung taon. Hindi ko ikinagulat na sila'y nag desisyong maghiwalay. Hindi ko rin ikinagulat na ang dahilan ay sapagkat ang kanyang asawa pala ay bakla. Ako'y napagsabihan na dati tungkol sa trabajo at gawi ng kanyang asawa kaya medyo may hinala na ako. Ang aking pagkatuliro at pagkawalan ng masasabi ay dahil sa bugso ng aking emosyon na dinulot ng mga pangyayari. Hindi ko naintindihan ang aking naramdaman. Ako'y naluha habang nagmamaneho. Hindi ko na alam kung ano pa ang masasabi sa kausap ko sa kabilang linya, kundi "I'm really, really sorry".

Hindi na ako nagtagal pa sa telepono at naintindihan ng aking kausap na ako'y bumabaybay pa ng C5. Ginusto ko siyang kausapin ng matagal ngunit wala akong naisip na masabi pa. Ako nga ay binalot ng pakiramdam na di ko naintindihan. Lungkot, takot, galit... at bumalik sa lungkot. Mahirap ang hindi maka "relate". Ako din ay may asawa. Kami ng aking kabiyak ay mag lalabing limang taon nang nagsasama. Naisip ko na din dati kung ano kaya ang aking mararamdaman kung ang aking asawa ay biglang magloko. Parati kong defensa (o proteksyon) sa sarili ay ang katagang - "kanyang kawalan". Hindi ko masabing ganun din ang sitwasyon ng aking kaibigan. Nagloko na nga ang asawa, sa kapareho pang kasarian. Sabi nga nila, "double jeopardy".

Ilang linggo na rin ang nakalipas mula nung araw ng pagtawag niya sa akin. Nakita ko at naramdamanan ang mga emosyong pinagdaanan niya sa mga FB status updates niya. Madami ang nag komento ng "maging matatag ka", "kaya mo yan", at kung ano pang komentong pampalakas ng loob. Ako'y nagbigay din ng komento, na ipagdadasal ko na lamang siya at hindi ko mawari kung nangyari sa akin yun, kung paano ako mananatiling matino at hindi mawala sa sarili (o maloka) sa pagkaka alam na sampung taon na pala akong niloloko ng aking kabiyak. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubusang maisip kung paano ko kakayanin ang dagok na nabigay sa aking kaibigan. Dasal lamang ang kaya kong ma-i-alok sa kanya.

Kahapon, ako ay muli niyang binalitaan sa pamamagitan ng YM. Dahil kami ay parehong nanay, maaga kami parehong magising upang asikasuhin ang aming mga anak pa eskwela. Kinamusta niya ako at sinabing nagsasama na daw ang kanyang (dating) kabiyak at ang kanyang bagong partner. Dahil mas klaro na ang aking pag iisip, naitanong ko kung paano at saan nagkakilala ang kanyang asawa at ang "partner". Tinanong ko din kung ano ang edad at saang industriya nag ta trabajo. Sa Call Center daw, 1980 ipinanganak, at nilapitan at nakipagkilala daw sa kanyang asawa sa isang party. Dinala ko na lang sa biro ang aming usapan. Biniro ko na siya ay ipinagpalit sa mas bata. Hindi rin kami nagtagal sa pag chat at alam din niyang hindi ko pa napapa alis ang aking mga anak pa eskwela. Siya'y nagpasalamat sa akin "for being there", tengang tagapag kinig at nakatatanggal, unti-unti, ng sama ng loob. Oo, ako'y tagapag kinig lamang at walang maipapayo -- pero ikinagagalak ko namang ako ay nakatutulong sa kanya kahit papaano. Naidagdag ko lang bago siya nag "offline" - "paano nga ba, Carmina?". Palagay ko naibsan muli, kahit kaunti, ang kanyang lungkot sa mga katagang yoon.

Comments

  1. hala, sana hindi ko nakilala somewhere ang asawa nya. kakacurious tuloy. lols.

    anyways, hindi madaling magpayo pero pakisabi kay "carmina", maging sa mga tuwid (hetero) o relasyong bi and gay (homo), may respeto at asal na sinusunod. On the lighter side, nakawala siya sa isang relasyon o isang imature na nagpapanggap na lalaki. :)Baka ibig sabihin pa nyan ay mahal ni Lord si "carmina" at gusto nitong makalaya siya.

    Enjoy and explore life :)

    ReplyDelete

Post a Comment